ONE TABLET, ONE STUDENT BILL INIHAIN NA RIN SA SENADO
TINAPATAN na ni Senadora Nancy Binay ng panukala sa Senado ang isinusulong ni Antique Rep. Loren Legarda na pagkakaloob ng computer tablet sa bawat estudyante sa public schools at state universities and colleges.
Sa kanyang Senate Bill 2454 o ang proposed One Tablet, One Student Act, sinabi ni Binay na dahil sa biglaang pagpapalit ng sistema sa pag-aaral, maraming mga estudyante ang napag-iiwanan dahil bukod sa kawalan ng internet acces, marami ang walang gadget na magamit.
Batay sa datos ng Department of Education, nasa 27 milyon ang elementary at high school students habang 1.6 milyon ang naka-enroll sa SUCs at local universities and colleges.
“This staggering number of students who need tablets does not even include their teachers who are likewise in need of such devices,” pahayag ni Binay sa kanyang explanatory note.
Iginiit ni Binay na hindi na uubra ang “business as usual” upang magpatuloy ang daloy ng edukasyon para sa lahat ng kabataan.
Binigyang-diin ng senadora na upang malunasan ang tinatawag na ‘digital divide’ sa edukasyon, dapat malunasan ang agwat sa digital infrastructure, kabilang na ang connectivity, devices at software; human infrastructure kasama ang teacher capacity, student skills at parental support at logistical at administrative system.
Sa panukala ni Binay, maglalaan ng P200 bilyon para sa pagsusulong na magkaroon ng tablet ang bawat estudyante sa mga pampublikong paaralan, gayundin sa SUCs at LUCs.