ONE FAMILY, ONE GRADUATE BILL ISINUSULONG SA KAMARA
ITINUTULAK sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para tiyaking mayroong miyembro ng isang mahirap na pamilya na makakatapos sa kolehiyo.
Inihain ni Quezon City Rep. PM Vargas ang House Bill 4523 o ang proposed One Family, One Graduate bill na naglalayong mabawasan ang mahihirap na pamilya sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, ang isang miyembro ng kuwalipikadong pamilya ay bibigyan ng P60,000 educational support kada taon o P30,000 kada semestre.
Gagamitin ang financial support sa matrikula at iba pang bayarin sa paaralan.
“We must exert more efforts necessary to invest in our people, enabling them to fulfill their aspirations and break free from poverty through a support system that aims to provide at least one college graduate per family,” pahayag ni Vargas.
Nakasaad din sa panukala na prayoridad sa isasama sa programa ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Ang HB 4523 ay nakabimbin ngayon sa House Committee on Higher and Technical Education.