OJT NURSE PINALILIBRE SA TRAINING FEES
ISINUSULONG ni Manila Teachers Partylist Rep. Virgilio Lacson ang panukala na magpapataw ng parusa sa mga pagamutan na mangongolekta ng training fees sa mga post graduate nurse.
Sa kanyang House Bill 3270 o ang proposed OJT Nurses Protection Act, sinabi ni Lacson na ang actual deployment sa ospital ay mahalagang paraan upang magkaroon ng kasanayan ang mga nurse.
Alinsunod sa Memorandum Circular ng Commission on Higher Edcuation para sa Bachelor of Science in Nursing Program, lahat ng nursing graduates ay obligadong magkaroon ng internship services.
Sa panukala, dapat ding pagkalooban ng pagkain at transportation incentives ang mga trainee bilang bahagi ng programa na naglalayong punan ang mga kakulangann ng medical personnel sa bansa.
Saklaw ng House Bill 3270 ang mga pampubliko at pribadong ospital sa buong bansa.
Alinsunod sa panukala, ang mga pagamutan na maniningil ng training fee ay magmumulta ng P100,000 hanggang P500,000 sa unang paglabag; P500,000 hanggang P1 milyon sa ikalawang paglabag at suspensiyon ng lisensiya sa loob ng 30 araw o multang aabot sa P2 milyon sa ikatlong paglabag.
Ang sinumang trainee nurse na siningil ng training fee ay bibigyan ng full refund at may interest na 6 percent kada taon.