Nation

NUTRISYON NG MGA ESTUDYANTE APEKTADO SA PAGSASARA NG ISKUL

/ 5 March 2021

BUKOD sa learning crisis, posible rin umanong maapektuhan ang nutrisyon ng mga estudyante sa pampublikong paaralan dahil sa pagsasara ng mga paaralan bunsod ng Covid19 pandemic.

Sinabi ni Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian na dahil sa bagong sistema ng pag-aaral, nahinto rin ang regular na feeding program hindi lamang ng mga paaralan.

“Isa pa sa magandang tanong marami po sa mga bata sa eskwelahan po nakakain o nakakakuha ng nutritious food. ‘Yung feeding program natin ay isinasagawa po sa loob ng eskwelahan,” pahayag ni Gatchalian.

Ipinaliwanag ng senador na maraming paaralan ang may magagandang feeding program subalit naantala bunsod ng pagtigil ng physical classes.

“Isa po sa pinangangambahan namin ngayon, hindi pa ho lumalabas ang pormal na pag-aaral, pero isa po sa pinangangambahan namin at ako kasama doon, marami ho tayong bata ay bumabalik sa malnutrisyon. At marami pong mga bata dahil malnourished hindi po lalaki nang tama, ang kanilang pag-aaral ay hindi magiging tama, ang kanilang development ay hindi magiging tama. So, ito rin po ay isang bagay na dapat din nating bigyan ng pansin,” diin pa ng mambabatas.

“Hindi lang po ang pag-aaral ang dapat nating tingnan, ‘yung paghahalubilo, ‘yung pang-aabuso, ‘yung nutrisyon. Marami pong bagay na hindi natin nakikita sa loob ng bahay na nakakaapekto, may negative effect ito sa ating mga kabataan,” dagdag pa ni Gatchalian.

Muli namang iginiit ng senador na ang isinusulong nilang pilot face-to-face classes ay hindi mandatory at para lamang ito sa mga batang payag ang mga magulang na pumasok ang kanilang mga anak.

“Dapat din nating maintindihan na ang face-to-face classes ay napakahalaga sa ating bansa dahil hindi naman lahat ay may internet. Less than 30 percent ang may internet access sa ating bansa at ‘yung 30 percent pa na ‘yun ay pabugso-bugso pa ang koneksiyon, so ibig sabihin nun, ‘yung 70 percent, ang kanilang pag-aaral ay gamit ang kanilang self-learning modules,” paliwanag pa ng senador.