NTF-ELCAC BUWAGIN NA, PONDO ILIPAT SA EDUKASYON — SOLON
MULING nanawagan si Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na tuluyan nang buwagin ang National Task Force to End Local Commmunists Armed Conflict at ilipat na ang lahat ng pondo nito sa edukasyon.
Ginawa ni Elago ang pahayag bilang pagkatig sa aksiyon ng Senate Committee on Finance na tapyasan ang P24 bilyong panukalang budget sa NTF-ELCAC para sa susunod na taon.
Una nang sinabi ni Senador Juan Edgardo Angara na wala silang nakitang batayan para sabihing nakinabang ang mamamayang Pilipino sa programa ng ahensiya.
“This is a welcome move. Hindi lang ito usapin ng kawalan ng detalyadong ulat ng NTF-ELCAC, kundi ng pagwawaldas ng pondo ng bayan para sa mali at mapanganib na red-tagging, pagsampa ng mga gawa-gawang kaso, at paninira sa mga nagsasalita at tumututol sa mga mapang-abuso at anti-demokratikong patakaran ng administrasyong Duterte,” pahayag ni Elago.
Iginiit ng mambabatas na kung insurhensiya ang pag-uusapan, maaari itong solusyunan kung matutugunan din ang krisis ng pandemya at ang malalalim na ugat ng kahirapan.
Binigyang-diin ni Elago na dapat ilaan ang P30 bilyong pondo ng ahensiya para sa edukasyon gayundin sa kalusugan, trabaho at iba pang serbisyo para sa kabataang Pilipino.
“P184 bilyon ang tinataya naming kailangan na pondo para sa ligtas at unti-unting pagbubukas ng mga kampus sa Safe School Reopening Bill o House Bill 10398. Malaking ambag na ang pondong maililipat kapag binuwag na ang NTF-ELCAC,” paliwanag ni Elago.
“Sa tindi ng naitalang mga paglabag sa karapatang pantao at maanomalyang paggamit ng bilyon-bilyong ‘general’s pork’ sa NTF-ELCAC budget, hindi lang dapat bawasan ang pondo nito, dapat na itong buwagin at singilin ng pananagutan,” dagdag pa niya.