Nation

NOTICE OF TEMPORARY SCHOOL CLOSURE HINIHINGI NA NG DEPED

/ 28 December 2020

BINIGYAN ng Department of Education ang mga pribadong paaralang pansamantalang nagsara sa panahon ng Covid19 pandemic ng hanggang Disyembre 29 para magsumite ng notice of temporary closure.

Ang mga paaralang hindi makapagsusumite sa itinakdang deadline ay babawian ng government recognition at permit to operate simula sa taong panuruang 2020-2021. Sila rin ay ita-tag ng DepEd na ‘permanently closed’.

“A private school that intends to voluntarily suspend operations for SY 2020-2021 shall submit a Notice of Temporary Close to the DepEd Regional Office supervising its area by December 29, 2020. A school that suspends operations for SY 2020-2021, but does not comply with the requirements for Temporary Closure by December 29, 2020 shall be assumed to be permanently closed, and the corresponding provisions on Permanent Closure will apply,” nakasaad sa kautusan ng DepEd.

Kailangang ipaliwanag sa notice ang dahilan ng pansamantalang pagsasara, ang katibayang batid ng mga magulang at mag-aaral ang naturang desisyon, ang mga isinagawang hakbang para matulungan ang mga enrollee na makapagpatuloy sa pag-aaral, at ang planong muling pagbubukas sa susunod na akademikong taon.

Paalala pa ng DepEd, “private schools that will temporary close this SY 20-2021 and reopen next school year are required to submit a letter to the Regional Office signifying their intent to resume operations in SY 2021-2022 not later than March 31, 2021. For private schools with a Permit to Operate, such communication will trigger the issuance by the Regional Office of a renewed Permit to Operate, effective for SY 2021-2022.”

Lahat din ng mga paaralang muling magbubukas ay inaasahang susunod sa planong pangkurikulum ng kagawaran alinsunod sa Readiness Assessment Checklist for Learning Delivery Modalities in the Learning Continuity Plan.

Dapat umanong mayroon silang kongkretong plano sa kung paano maghahatid ng dekalibreng edukasyon — blended, distance, modular, o online learning man ang modalidad.

Batay sa tala ng DepEd, 865 na mga pribadong paaralan ang nagsara ngayong taon dahil sa baba ng enrollment at kakulangan ng ahensiyang makapagturo bunsod ng Covid19. Nakaapekto ito sa halos 5,000 guro at 60,000 mag-aaral sa buong Filipinas.

Positibo naman ang DepEd, sa pangunguna ni Secretary Leonor Briones, na muling aahon ang mga paaralang naapektuhan ng pandemya.