Nation

NOT YET READY? PAGBUBUKAS NG KLASE SA ‘WAG IPILIT — TEACHERS’ GROUP

/ 6 August 2020

HINILING ng Teachers’ Dignity Coalition sa pamunuan ng Department of Education na maging bukas sa pakikipagdiyalogo sa mismong mga frontliner ng edukasyon, ang mga classroom teacher, upang alamin ang kanilang saloobin at kunin ang kanilang mga opinyon hinggil sa pagbubukas ng klase.

Ayon kay Benjo Basas, national chairman ng nasabing grupo, huwag sanang ipilit ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24 kung hindi pa talaga handang-handa ang Kagawaran na ipatupad ang learning continuity plan para sa tuloy-tuloy na edukasyon ng mga batang Filipino.

“Kung tapat na makitang hindi uubra, huwag sanang ipilit ang pagpapatupad nito. Maraming produktong bagay ang maaaring magawa sa mga panahong wala pa ang klase—distance man o face-to-face,” pahayag ni Basas.

“Gamitin natin ang panahon para matiyak na maisagawa ang mahusay na pagsasanay sa mga guro, oryentasyon sa mga magulang, produksiyon ng mga TV at radio lesson, pagpapaunlad sa modules at pag-iimprenta nito. May sapat na panahon din upang makuha ang kumpiyansa ng taumbaya,” sabi pa niya.

Dagdag pa niya, higit sa lahat ay makapag-aambag ang DepEd sa pagsisikap ng lahat na maiwasan pang lalo ang pagdami ng kaso ng Covid19.

Ayon pa sa TDC, ang muling pagsasailalim sa modified enhanced community quarantine sa Metro Manila at ilang kalapit na lalawigan ay may malaking epekto sa inaasahang pagbubukas ng klase sa Agosto 24.

Sinabi ni Basas na hindi rin maisasaayos ang mga kinakailangang paghahanda lalo na sa mga gagamiting modules dahil malilimitahan ang paggalaw ng mga mamamayan.

“Batay kasi sa inilabas na datos ng DepEd kamakailan, ang modular modality ang isyang magiging pangunahing pamamaraan ng pagtuturo sa ating mga paaralan sa buong bansa,” sabi ni Basas.

Binigyang-diin niya na isang malaking hamon ang kakaharapin dahil marami sa mga dibisyon sa bansa, kahit pa yaong mga hindi naisasailalim sa MECQ ay hindi pa handa ang modules na gagamitin ng mga mag-aaral at guro.

“Sa ganitong kalagayan, kakailanganin ang pagpapasiya ng DepEd at ang tulong na maaaring maibigay ng lahat ng sektor sakaling nanaisin pa ring maituloy ang pagbubukas ng klase sa buong bansa o sa anumang bahagi nito sa Agosto 24. Tandaan na matatapos ang MECQ sa Agosto 18 o anim na araw bago ang takdang pagbubukas ng klase,” pagwawakas ni Basas.