NO VACCINE, NO F2F CLASSES — PRES. RODRIGO DUTERTE
IGINIIT ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya papayagan ang pagsagawa ng face-to-face classes hanggang walang natutuklasang bakuna laban sa Covid19.
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa kanyang ika-5 State of the Nation Address, isang linggo makaraang aprubahan niya ang panukala ng Department of Education na magsagawa ng limitadong face-to-face classes sa mga lugar na may mababang panganib ng coronavirus transmission simula sa Enero 2021.
Paliwanag ng Pangulo, inaprubahan niya ang panukala ng DepEd sa pag-aakalang magiging available na ang bakuna laban sa Covid19 sa Setyembre.
“Until the Covid19 vaccine is available, I will not allow the traditional face-to-face teaching or learning, unless the risk of exposure to the sickness (is) eliminated,” aniya.
Idinagdag ng Chief Executive na hindi niya mailalagay sa panganib ang kalusugan at buhay ng mga estudyante at guro.
Naunang sinabi ng DepEd na isasagawa lamang ang face-to-face classes sa low-risk areas kung hihilingin ito ng lokal na pamahalaan o eskuwelahan sa kanilang regional o division office.
Sa nalalapit na school year, ang mga klase ay isasagawa sa pamamagitan ng online platforms, printed at digital modules, television at radio.
Bigo naman ang ilang estudyante sa kanilang pagnanais na magdeklara ang Pangulo ng tigil-klase sa gitna ng patuloy na paglobo ng mga kaso ng Covid19.
Ang pagbubukas ng klase sa public schools ay nakatakda sa Agosto 24, habang ang private schools ay papayagang magbukas ng mas maaga kung papayagan ng regional directors ng DepEd.
DEATH PENALTY VS DRUG CRIMES BUBUHAYIN
Muling nanawagan si Pangulong Duterte sa mga mambabatas na ipasa na ang death penalty para sa drug cases.
“I reiterate (my call for) the swift passage of the law reviving the death penalty by lethal injection,” pahayag ni Duterte.
Ayon sa Pangulo, ang penalty ay para sa mga krimen na nakasaad sa ilalim ng 2002 Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Sinisi ni Duterte ang droga kung bakit may mga batang hindi na nakapag-aaral at nasasadlak sa prostitusyon.
SCHOLARSHIPS SA OFW DEPENDENTS
Inatasan ni Duterte ang Commission on Higher Education na magpatupad ng scholarship programs sa mga dependent ng overseas Filipino workers na ang kabuhayan ay naapektuhan ng Covid19 pandemic.
“I am also calling on the CHED for scholarship programs for the qualified dependents of our OFWs,” pahayag ni Duterte sa kanyang SONA.
Nauna nang ipinanukala ni CHED Chairman Prospero de Vera III sa mga senador ang pagpapatupad ng voucher system na magbibigay-daan upang makapagpatuloy sa pag-aaral ang mga anak ng OFWs sa kabila ng mga hamong dulot ng pandemya.
SERBISYO NG TELCOS PAGBUTIHIN, OR ELSE…
Nanawagan naman si Pangulong Duterte sa telcos na pagbutihin ang kanilang serbisyo para sa mas maayos na online learning.
Ayon sa Pangulo, sa nalalabing dalawang taon ng kanyang panunungkulan ay pagtutunan niya ng pansin ang pagpapaunlad sa telco services lalo pa’t lubha itong kinakailangan sa ‘new normal’.
Nagbabala si Duterte na ipasasara niya ang telecommunication companies Smart at Globe kapag hindi bumuti ang kanilang serbisyo hanggang Disyembre.
“Maghanap kayo because if you are not ready to improve, I might just as well close all of you and we revert back to the line telephone at kukunin ko ‘yan, ie-expropriate ko,” sabi ni Duterte.
DAAN-DAANG estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo sa Kalakhang Maynila ang lumahok sa #SONAgkisa na isinagawa sa Diliman campus ng University of the Philippines upang isulong ang layuning marinig ang kanilang saloobin hinggil sa mga patakaran ng gobyerno sa sistema ng edukasyon. / MEL MATTHEW DOCTOR at DANIEL ASIDO