Nation

NCR UNIVERSITIES SA PEBRERO PA MAGBUBUKAS NG F2F CLASSES — CHED CHAIR

KARAMIHAN sa malalaking pampublikong kolehiyo at unibersidad sa National Capital Region ay sa Pebrero pa magbubukas ng in-person classes, ayon kay Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera III.

/ 13 January 2022

KARAMIHAN sa malalaking pampublikong kolehiyo at unibersidad sa National Capital Region ay sa Pebrero pa magbubukas ng in-person classes, ayon kay Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera III.

Ang NCR ay nasa ilalim ng Alert Level 3 hanggang Enero 15.

Ayon kay De Vera, bagaman nakatakda sa Enero 31 ang pinakamaagang petsa ng pagbubukas ng face-to-face classes sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3, karamihan sa malalaking pamantasan sa Metro Manila ay sa susunod na buwan pa magbubukas.

“Handa na actually ‘yung mga schools, ang problema lang nagpalit ang alert level sa NCR. Kaya nangailangan kaming maglabas ng advisory nung isang araw upon the consulation with the Department of Health na kung puwede ‘yung pinakamaaga na pagbubukas ng limited face-to-face is January 31 para matingnan pa natin at mamonitor ‘yung pagtaas ng mga kaso ng Covid19,” sabi ni De Vera sa naging panayam sa kanya ng ABS-CBN TeleRadyo.

“Pero on the ground, lahat ng mga malalaking public universities sa NCR nag-decide na ang pinakamaagang magbubukas sila ay February na. Minove nila para panigurado,” ani De Vera.

Iniurong din, aniya, ang pagbubukas ng limited face-to-face classes sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette dahil kinukumpuni pa ang mga nasirang pasilidad at ‘yung iba ay wala pang koryente at internet.

“So, lahat ito ay desisyon ng individual univerisities at the ground level depende doon sa kondisyon ng kanilang health situation, ‘yung kanilang consultation sa LGU, ‘yung kanilang academic calendar at saka ‘yung learning continuity plan at siyempre ‘yung mga kalagayan nung mga faculty at students,” sabi ni De Vera.

“Pero kung ‘yung conditions mo on the ground is not favorable, siyempre huwag ka munang magbukas ng January 31. Ang ayaw lang natin magbukas ka ng maaga tapos kasagsagan ng pandemya kasi delikado ‘yan,” dagdag pa niya.