NATUTUHAN O NATUTUNAN? MGA GURO, MAG-AARAL NAGDEBATEHAN
MULI na namang uminit ang debate tungkol sa wikang Filipino nang mag-upload ng bagong video content si GMA 7 journalist at University of the Philippines Diliman Associate Professor Kara David tungkol sa mga salitang ‘natutuhan’ at ‘natutunan’ noong Mayo 5.
Ayon kay David, hindi umiiral ang salitang ‘natutunan’ sapagkat walang hulaping -nan sa Filipino. Mas angkop umanong gamitin ang ‘natutuhan’, alinsunod sa Ortograpiyang Filipino na akda ng Komisyon sa Wikang Filipino at ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario.
Dagdag pa niya, apat lamang ang hulapi ng wika: -han, -an, -hin, at -in.
Unang in-upload ang video sa Tiktok saka lumipat sa YouTube at Facebook. Agad itong nakapukaw ng interes ng mga mag-aaral at mga guro ng wika at lingguwistika at halinhinang nagbatuhan ng mga argumento.
Ayon sa trending post ni Mhawi Rosero, nagkakalat lamang ng lagim si David sa umano’y mali nitong pagtuturo.
“Nagkakalat pa rin ng lagim si Ms. Kara David sa kanyang balarila,” sabi ni Rosero.
“Parang gusto kong regaluhan si Ms. Kara David ng librong ‘Morpolohya ng Filipino’ ni Sir Resty Cena o ng ‘Ang Gramar ng Filipino’ ni Dr. Malicsi. Parang trip ko na ring gumawa ng Tiktok ng gramatikang Filipino kaso matutulog muna ako,” dagdag pa.
Umani ito ng 2.5K reactions at 2.8K shares.
Saliwang komento naman ni Justine Vasquez Alon, “Basta different places, different pronunciation and spelling” na nagwiwikang pareho namang tama ang ‘natutuhan’ at ‘natutunan’.
Ganoon din ang tugong pahayag ng propesor at lingguwist na si Resty Cena.
“Ano mang salita na natututuhan sa kandungan ng Inang Wika ay lehitimong salita sa nasabing wika. Ganyan ang lagay ng natutuhan at natutunan.
Magkabaryasyon sila. Sa amin sa Ecija, natutuhan; sa ibang probinsya, natutunan.”
Ultimo si dating KWF Director Aurora Batnag ay nakilahok sa diskurso. “Bakit ba niya pinakikialaman ang hindi niya [David] alam.”
Samantala, bagaman hindi nagkakasundo ang mga iskolar, pare-pareho pa rin silang nagsabing maraming natututuhan sa mga intelektuwal na diskursong gaya nito.
Banggit pa ni Erin Abu, “kung ganito ang discourse, sana hindi na tanggalin ng CHED ang Filipino.”
Sa ngayo’y wala pang susog na pahayag si David tungkol dito. Wala pa ring paglilinaw na inilalathala ang KWF, ang komisyong may tungkuling paunlarin ang wika, maliban sa matagal nang nakalimbag na Aklat ng Bayan.