Nation

NATIONWIDE SIMULATION SA DISTANCE LEARNING ISAGAWA BAGO ANG OKTUBRE —SOLONS

/ 18 August 2020

INIREKOMENDA ng dalawang mambabatas sa Department of Education ang pagsasagawa ng nationwide simulation o dry run sa mga sistemang gagamitin sa pag-aaral bago ang pagsisimula ng klase sa Oktubre 5.

Ayon kay Senador Nancy Binay, makatutulong ang nationwide simulation sa lahat ng grade school level upang masuri ang bagong setup at matukoy ang mga problema bago tuluyang simulan ang klase.

“A nationwide simulation is recommended para alam ng estudyante, kasama na ang magulang kung ano ang bagong sistema, at para makapag-adjust din sila. The simulation should also include schools in rural areas and remote barangays that have multi-grade setups,” pahayag ni Binay.

Sinabi ni Binay na sa loob ng ibinigay na karagdagang panahon sa DepEd, kailangan nang matiyak na pulido na ang kanilang paghahanda partikular ang pamamahagi ng self-learning modules.

“Not having SLMs available ahead of time for teachers is just adding more pressure and burden to teachers. Ngayong na-move na ang start ng school year, dapat masiguro nila na pulido na ang sistema’t setup, pati na ang mga materyales for both teachers and students,” idinagdag pa ni Binay.

“If this six-week breather can be wisely programmed, then we can expect na kaunti na lang ang mga gusot by October 5, at kahit paano, mayroon nang modules at teaching materials, at pati parents and students handa na rin,” binigyang-diin pa niya.

Sinabi naman ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na dapat magkaroon ng dry run at ‘piloting’ ng iba’t ibang paraan ng pagtuturo para makita kung anong sistema ang epektibo sa isang lugar kumpara sa iba..

Iginiit ng kongesista na sa anim na linggong naiatras ang pagbubukas ng klase, dapat maikonsidera na ng DepEd ang pagsasagwa ng face-to-face classes sa mga lalawigan na mababa o sadyang walang kaso ng Covid19.

Inihalimbawa niya ang lalawigan ng Batanes kung saan inaprubahan na sa House Committee on Basic Education and Culture ang resolution na nananagawang payagan ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa kondisyong ipatutupad ang maximum health protocols.