NATIONAL PARENT COUNCIL PINABUBUO
UPANG mapalakas ang katungkulan ng mga magulang at kanilang asosasyon sa mga paaralan, ipinanukala ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas ang pagbuo ng National Parent Council.
Sa pagsusulong ng House Bill 7141 o ang proposed National Parent Council Act, ipinaalala ni Vargas na kinikilala ng Konstitusyon ang ‘natural at primary right’ ng mga magulang sa paghubog sa kabataan.
“Education and learning should be holistic. Thus, the need for a strategic collaboration among parents, teachers, school management, the community, and the students is a must,” pahayag ni Vargas sa kanyang explanatory note.
Ipinaliwanag ng kongresista na malaking tulong sa educational system ang pagpapalawak ng katungkulan ng mga parents association at gawing national level ang parent council.
Saklaw ng panukala ang asosasyon ng mga magulang sa bawat paaralan na bubuo ng Municipal and City Parents Association at saka bubuin ang Provincial Parents Association.
Alinsunod sa panukala, hihikayatin ang bawat administrasyon ng paaaralan na suportahan at makipagtulungan sa parents associations.
“Further, barangay, municipal, city and provincial officials shall provide the necessary assistance and support to parent association especially in the implementation of their school-based activities and projects,” pahayag pa sa panukala.
Nakasaad din sa panukala na magkakaroon ng kinatawan ng Parent Association sa bawat pulong ng Committee on Education o katumbas na komite sa Sangguniang Bayan.
Lahat ng kontribusyon, donasyon o anumang koleksiyon ng Parents Association ay hindi papatawan ng buwis.
Titiyakin din ng National Parent Council ang maayos na koordinasyon sa pagitan ng Department of Education at ng mga Parents Association sa buong bansa.