Nation

NATIONAL HS IPINATATAYO SA SAGNAY, CAMARINES SUR

/ 2 May 2021

ISINUSULONG ni Camarines Sur 4th District Rep. Arnie Fuentebella ang panukala para sa pagtatayo ng bagong national high school sa bayan ng Sagnay.

Sa kanyang House Bill 8415, sinabi ni Fuentebella na itatayo ang national high school sa Barangay Turagaue na ang mga residente ay matagal nang umaapela para sa pagkakaroon ng paaralan sa kanilang lugar.

Ipinaalala ng kongresista na sa ilalim ng Konstitusyon, mandato ng gobyerno na magtayo, magmantina at magbigay ng integrated system of education para sa lahat, partikular sa implementasyon ng K-12 curriculum.

“While majority of the schools in the urban centers have not experienced the birth pains in implementing educational reforms at its early stage, those public schools located in the far-flung areas have been usually inconvenienced by myriads of problems, including the availability of public high schools where poor elementary school graduates may pursue their basic education studies,” pahayag ni Fuentebella sa kanyang explanatory note.

Ipinaliwanag pa ng kongresista na sa kasalukuyan, ang mga estudyante sa Barangay Turague ay kinakailangan pang bumiyahe nang malayo upang makapasok sa public high school sa ibang barangay.

Sa sandaling maging batas ang panukala, mandato ng kalihim ng Department of Education na isama sa programa ng ahensiya ang operasyon ng Turague National High School.