NATIONAL HIGH SCHOOL IPINATATAYO SA TINAGURIANG ‘MARLBORO COUNTRY’ SA PANGASINAN
ISINUSULONG ni Pangasinan 6th District Rep. Tyrone Agabas ang pagtatayo ng panibagong national high school sa bayan ng Umingan.
Sa kanyang House Bill 4035, sinabi ni Agabas na dapat madagdagan ng national high school sa Umingan at target niya itong itayo sa Barangay San Vicente.
“In the 6th District, we have cluster of 13 barangays dubbed as Marlboro Country located at the southwest mountainous portion of the Municipality of Umingan, the district’s biggest municipality in terms of population and land area,” pahayag ni Agabas sa kanyang explanatory note.
Ipinaliwanag ni Agabas na tinawag na Marlboro Country ang lugar dahil sa bulubunduking lugar subalit magandang terrains.
Idinagdag ng kongresista na magkakalayo rin ang distansiya ng mga barangay na ang pinakamalayo ay nasa boundary na ng lalawigan ng Nueva Ecija.
Gayunman, sinabi ni Agabas na sa kabila ng malawak na lugar at malaking populasyon, ang mga estudyante ay nagsisiksikan lamang sa Prado National High School.
“A lot of students find their way to schools which are considerably far from their residences,” diin pa ng kongresista.
Sinabi pa ni Agabas na kung magkakaroon ng panibagong paaralan na tatawaging San Vicente National High School at itatayo sa Barangay San Vicente na pinakasentro ng mga barangay, mas maraming estudyante ang mabibigyan ng oportunidad para sa dekalidad na edukasyon.