NATIONAL FEEDING PROGRAM, DINAGDAGAN NG PONDO NG SENADO
KINUMPIRMA ni Senadora Imee Marcos na dinagdagan ng Senate Finance Committee ang pondo ng National Feeding Program ng Department of Social Welfare and Development para sa susunod na taon.
Sa deliberasyon ng 2024 proposed budget ng DSWD, sinabi ni Marcos na mula sa P4 billion sa ilalim ng National Expenditure Program, inirekomenda ng Senate panel na gawing P6 billion ang ponro para sa programa na naglalayong tiyaking malusog ang mga bata.
Gayunman, aminado si Marcos na napako na sa 1.8 milyong bata ang benepisyaryo ng programa na para sa kanya ay kulang na kulang lalo’t dumami ang mga nagugutom.
“Ito ‘yung supplementary feeding program, yung sa NEP nasa P4billion pero sa Senate version, dinagdagan natin nasa P6billion. Taun-taon alam natin laging kulang ito. At napako na tayo sa 1.8 million children taun-taon, kahit alam natin lumalaganap ang gutom pagkatapos ng pandemic,” pahayag ni Marcos.
Ipinaliwanag din ng senadora na regular ding nakikipagtulungan ang DSWD sa Department of Education para naman sa pagpapatupad ng mga feeding program din ng ahensiya.
Pinuna rin ni Marcos ang puwang sa mga feeding program ng DSWD at DepEd dahil mula first 1,000 days na supplemental feeding program ay nasusundan na ito ng Supplemental Feeding Program para sa mga pitong taong gulang.
“Pero ang totoo, may puwang talaga sa 1,000 days dahil hindi lahat ng bata nasa daycare at yung nasa daycare 3 years old yan, eh paano ang mga sanggol na talagang malnourished,” paliwanag ni Marcos.