NATIONAL EDUCATION COUNCIL PINABUBUO
ISINUSULONG ni Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund Villafuerte Jr. ang panukala para sa pagbuo ng National Education Council.
Sa kanyang House Bill 8022 o ang proposed National Education Council Act, sinabi ni Villafuerte na pangunahing papel ng NEC ang pagbuo ng sistema para sa national coordination, planning, monitoring, evaluation at management sa sektor ng edukasyon.
Kasama sa sektor na ito ang Department of Education, ang Technical Education Skills and Development Authority at ang Commission on Higher Education.
“It seeks to ensure effective coordination to eliminate fragmentation of education policies and programs by strengthening the integration and collaboration of the three sub-sectors,” pahayag ni Villafuerte sa kanyang explanatory note.
Binigyang-diin ng kongresista na dahil sa paghihiwalay ng tatlong ahensiya noong 1991, nagkaroon na ng hindi magkakatugmang polisiya at nawalan ng maayos na koordinasyon.
“This measure recognizes the indispensable role of a national council on education to develop an effective and efficient education ecosystem that will enable the three sub-sectors to implement policies and programs coherently,” dagdag pa ni Villafuerte.
Sa ilalim ng panukala, pangungunahan ng NEC ang pagbuo ng long-term, strategic and collaborative planning sa pagitan ng DepEd, TESDA at CHEd.
Palalakasin din ng NEC ang education governance sa bansa at titiyakin ang epektibong pagpapatupad ng mga polisiya.
Upang matiyak naman ang epektibong pagbalangkas ng mga national education agenda, inaatasan sa panukala ang Philippine Statistics Authority na pangunahan ang educational mapping and statistics.