NATIONAL CENTER FOR MISSING CHILDREN IPINATATAYO
ISINUSULONG ni Compostela Valley 2nd District Rep. Ruwel Peter Gonzaga ang panukala para sa pagtatayo ng National Center for Missing Children.
Sa kanyang House Bill 2717 o ang proposed National Center for Missing Children Act, sinabi ni Gonzaga na mandato ng estado na ipagtanggol ang karapatan ng bawat bata para sa tamang pag-aalaga, nutrisyon at special protection.
“It is disheartening to note that syndicates who prey on children for unscrupulous or criminal activities go unchecked,” pahayag ni Gonzaga sa kanyang explanatory note.
Ipinaliwanag ng kongresista na bagama’t may anti-human trafficking laws na ipinatutupad sa bansa, mas mabuti pa rin ang implementasyon ng mga hakbangin upang maiwasan ang pambibiktima ng mga organized crime.
Batay sa panukala, magkakaroon din ng missing children telephone hotlines na tatanggap at agad na magpapakalat ng impormasyon sa local government units, government agencies, law enforcement agencies, school districts at sa publiko hinggil sa mga nawawalang bata.
Regular din ang pag-a-update sa computerized link sa buong bansa hinggil sa mga nawawalang bata.
Ang National Center for Missing Children din ang may obligasyon na makipag-ugnayan sa public at private entities para sa organisadong paghahanap sa mga bata.
Mandato rin ng center na magsagawa ng national incidence studies kada taon upang matukoy ang aktwal na bilang ng mga nawawalang bata, mga biktima ng pagdukot at mga hindi pa rin narerekober.