Nation

NATIONAL BOOK STORE TULOY ANG SERBISYO SA MAG-AARAL NA FILIPINO

/ 26 August 2020

PINABULAANAN  ng National Book Store sa isang Facebook post ang balitang magsasara ang kanilang mga pangunahing pamilihan sa buong Filipinas.

Pahayag ng pamunuan, “National Book Store strongly denies the social media post claiming NBS is closing branches in expensive malls. Only stand-alone shall stay. Going online.”

Bagaman hindi nila itinatangging bumaba ang kanilang kita dulot ng Covid19 pandemic at nasasadlak sa masusing rebyu ang mga branch na may mababang rebenyu, sinisiguro pa rin nilang sila ay patuloy na maghahatid ng serbisyo sa mga mag-aaral na Filipino.

Nagreremodel ang NBS. Mas pinalalakas umano nito ang kanilang presensiya online – sa social media at sa nationalbookstore.com – kung saan maaaring umorder ang mga mag-aaral at iba pang mga mamamayang nangangailangan ng mga libro, samu’t saring babasahin, at suplay pang-opisina.

Inaanyayahan din nila ang lahat ng mambabasa na antabayanan ang mga bagong tsanel at platform na maaaring puntahan para makadalo ng mga online na aktibidad ng NBS, lalo sa pamimili ng mga kagamitang pampaaralan.

Ipinangako  ng NBS na hindi sila mapapagod sa paglilingkod at ang Laking National ay magtutuloy-tuloy kahit na nahaharap ang buong mundo sa krisis na walang katiyakan.

Halos 80  nang naglilingkod ang NBS sa Filipinas. Marami na silang kinaharap na suliranin at hindi ito ang panahon para sila’y tumigil at sumuko.

Pagbabahagi pa ng NBS, “National Book Store has overcome a lot of difficulties and obstacles since its humble beginnings nearly 80 years ago. We remain committed to our promise of being your lifelong partner in learning, creativity, and self-expression, and will strive to continue fulfilling this promise as best as we can. Thank you to all our mall partners, banks, suppliers and most significantly our loyal customers for your continuing support during this challenging time.”