NASYONALISMO NG KABATAAN MAIBABALIK NGA BA SA MANDATORY ROTC?
LUSOT na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang National Citizen Service Training Program na kinapapalooban ng pagbabalik ng Reserve Officer Training Corps o ROTC.
Sa sandaling tuluyang maging batas, lahat ng undergraduate na estudyante sa pampubliko at pribadong higher education institutions, technical-vocational education at training programs, kasama ang mga kumukuha ng TESDA courses ay kailangang sumailalim sa dalawang taong NCSTP program.
Habang mayorya sa mga mambabatas ang bumoto pabor sa panukala, may ilang mga miyembro ng Kamara ang tumututol dito.
Para sa mga nagsusulong ng panukala, malaking tulong ang NCSTP upang buhayin ang pagiging makabayan ng kabataang Pilipino bukod pa sa sinasanay din sila sa pagtugon sa mga kalamidad at iba pang emergency maaaring maganap sa bayan.
Subalit para sa mga kritiko ng panukala, malaki ang posibilidad na maabuso lamang muli ang pagbabalik ng programa lalo na sa isyu ng katiwalian.
Iginiit ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na maaari ring magdulot ng campus militarization ang programa at malagay sa panganib ang mga estudyante, gayundin ang mga faculty member.
“It will not truly instill patriotism in youth and students. If government is serious about instilling and uplifting the youth’s sense of nationalism and duty to serve the community and country, we must promote teaching History and Filipino subjects to all ages,” pahayag ni Brosas.
HISTORY SA HALIP NA ROTC
Samantala, sa Senado, isang subcommittee ang binuo upang magsagawa ng committee hearings sa panukala makaraang aminin ni Senate Committee on Higher Education Chairman Francis Escudero na hindi siya pabor sa pagbabalik ng ROTC sa kolehiyo.
Sinabi ni Escudero na kung talagang nais ng gobyerno na buhayin ang pagiging makabansa ng kabataan, hindi ROTC ang dapat na ibalik bagkus kailangang pagtuunan ng pansin ang pagtuturo ng kasaysayan ng bansa.
“Hindi pagbitbit ng kahoy na baril o pagmartsa sa ilalim ng init ng araw, pagbulyaw o pagsigaw sa amin ng mga officers namin. Hindi iyon ang nagmulat sa akin sa pamamahal sa bayan. Kung hindi ay ‘yung kahirapang makita mo at ‘yung pagkakataon na ibinigay sa iyo ng Diyos na makagawa nang malaki o maliit man na bagay para maiangat sila,” pahayag ni Escudero.
“Pinagdaanan ko ‘yan…but dun sa mahilig, bakit hindi? Hindi ko siya pipigilan. Pero doon sa walang kahilig-hilig, sa pananaw ko tama ‘yung sa kasalukuyang batas na puwedeng pagpilian at para puwedeng mapakinabangan ‘yung talentong ibinigay sa kanila ng Diyos na marahil ay walang kinalaman sa pagbitbit ng kahoy na baril at pagmartsa sa ilalim ng init ng araw,” dagdag pa ng senador.
Ang subcommittee ay pinamumunuan ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na nagpahayag ng kumpiyansa na mabilis nang maipapasa ang panukala sa kanilang hanay.
Ang panukala ay certified as urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kapag naisabatas ay sasaklawin lahat ng undergraduate students, kasama ang mga babae.