Nation

NASABAT NA GADGETS NG BOC IDO-DONATE SA DEPED

/ 23 September 2020

TINIYAK ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na ido-donate nila sa Department of Education ang mga nasabat nilang gadgets tulad ng cellphones at laptops upang magamit sa distance learning.

Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni Guerrero na nagsasagawa na sila ng imbentaryo sa mga nakumpiskang gadgets bago mai-turn over sa DepEd.

“Right now, we are just processing the deeds of donation so that these can be donated to the proper agency, of course subject to clearances provided by the regulatory agencies that cover these gadgets,” pahayag ni Guerrero.

Sinabi ng opisyal na bukod sa gadgets, plano rin nila na magbigay ng iba pang school supplies sa DepEd bilang tugon na rin sa atas ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na suriin ang mga kargamentong maaaring itulong sa distance learning.

“We have instructions from no less than the Secretary to conduct an inventory of all these items that need to be disposed, and those that can be donated are being donated,” dagdag ng opisyal.

Una nang hinikayat ni Senadora Imee Marcos ang BOC na i-donate na lamang para sa blended learning ang mga nakumpiskang smuggled cellphone, tablets at laptops.

Sa impormasyon ng mambabatas, halos 29.5 tons ng cellphones, storage devices at electrical items ang nakumpiska ng BOC noong Agosto dahil sa kawalan ng clearance mula sa Bureau of Product Standards, National Telecommunications Commission at Optical Media Board.

Noong nakaraang taon, kabuuang P100 milyong halaga ng cellphone at mga baterya mula Hong Kong ang nasabat sa Clark Freeport Zone sa Pampanga, bukod pa sa P15 milyong halaga ng second-hand na cellphones, lithium batteries at phone accessories mula South Korea ang nakumpiska sa paliparan ng Maynila.