Nation

NAPIPINTONG MASS LAYOFF NG SENIOR HS TEACHERS PINAAAKSIYUNAN

/ 15 June 2021

HINILING ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa Department of Education na aksiyunan ang napipintong mass layoff ng mga senior high school teacher kung hindi pa rin sususpendihin ang 5-year requirement sa Licensure Examination for Professional Teachers.

Muling ipinaalala ni Castro na tatlong beses nang nasususpinde ang LEPT exam sa gitna ng Covid19 pandemic.

Iginiit ng kongresista na dapat magpatupad ng statutory relief ang DepEd upang matiyak na hindi madaragdag sa mga nawalan ng trabaho ang libo-libong guro sa senior high school.

Ipinaliwanag ng mambabatas na sa ilalim ng Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, maaaring iatras ang mga deadline o timeline sa pagsusumite ng mga dokumento, pagbabayad ng buwis at iba pang bayarin at magdagdag ng benepisyo upang mabawasan ang pasanin ng taumbayan.

“Though DepEd assured provisional teachers that they can continue teaching this SY 2020-2021, how about for SY 2021-2022?” tanong ni Castro.

Ipinaliwanag ng kongresista na ang kontrata ng mga guro na na-hire sa ilalim ng probisyon ng 5-year requirement ng licensure examination for teachers ay hanggang July 10 ng taong ito na lamang.

Marami sa mga guro ang hindi nakakuha ng eksaminasyon makaraang masuspinde ang March 2020, September 2020 at March 2021 na pagsusulit.

“The Department of Education must act swiftly and urgently to address this issue of mass layoff of senior high school teachers in the public and private schools if they do not suspend the 5-year requirement of licensure examination for teachers,” pagbibigay-diin ni Castro.