NAKUMPISKANG ILLEGAL WOOD PRODUCTS GAMITIN SA PAGTATAYO NG MGA KLASRUM — LAWMAKER
UPANG malunasan ang kakapusan ng mga silid-aralan, inirekomenda ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na ibigay na lamang sa Department of Education ang lahat ng mga nakukumpiskang illegal wood products ng Department of Environment and Natural Resources.
Sa pagsusulong ng House Bill 2758, ipinaalala ni Rodriguez na ang ideal international classroom-to-student ratio ay 1:35 na hindi naman nakakamit sa bansa.
Para matugunan ito, sinabi ng DepEd na kailangan ng dagdag na mahigit 50,000 classrooms na nangangahulugan ng mas malaking budget.
“In order to remedy the situation, the DepEd has to look for other ways to solve their problem on classroom shortage,” pahayag ni Rodriguez.
Minamandato sa House Bill 2758 na i-donate ng DENR sa DepEd ang lahat ng makukumpiska nilang illegal wood products sa halip na isalang sa auction ng ahensiya.
Gagamitin ang mga wood product sa pagtatayo ng mga silid-aralan, paggawa ng mga mesa, upuan at iba pang pasilidad sa mga paaralan.
Alinsunod sa panukala, magiging magkatuwang ang DepEd at DENR sa pagbalangkas ng mga regulasyon para sa donasyon.