Nation

NAGPA-ENROLL PARA SA SY 2023-2024 UMABOT NA SA HIGIT 20M

/ 25 August 2023

PUMALO na sa mahigit 20 milyon ang bilang ng mga mag-aaral na nakapag-enroll para sa School Year 2023-2024, ayon sa Department of Education.

Base sa huling datos mula sa Learner Information System Quick Count, nasa 20,093,611 na ang kabuuang bilang ng mga nagparehistro na mag-aaral para sa darating na taong panuruan.

Pinakamarami ang nakapagpatalang estudyante sa Region IV-A (Calabarzon) na umabot sa 3,265,523, kasunod ang National Capital Region (Metro Manila) na mayroon nang 2,402,858 enrollees.

Pumangatlo naman ang Region III (Central Luzon) na mayroon nang 2,177,726 enrollees.

Sinabi ng DepEd na magpapatuloy ang enrollment hanggang sa Agosto 26, 2023.

Maaari namang magpatala sa mga barangay, community learning center, o sa pinakamalapit na pampublikong paaralan ang mga Alternative Learning System learners.