Nation

NAG-ENROLL SA SY 2021-2022 PUMALO NA SA 5M

/ 19 August 2021

NASA mahigit limang milyon na ng mga mag-aaral mula sa pampubliko at pribadong paaralan ang nag-enroll na para sa darating na taong pampaaralan, ayon sa Department of Education.

Sa inisyal na datos ng kagawaran nitong Miyerkoles, Agosto 18, umabot na sa 5,000,177 ang nag-enroll para sa Kindergarten hanggang Grade 12, kabilang ang mga nasa Alternative Learning System at non-graded learners with disabilities.

“Like last year, this is based on quick count, meaning this is from submission by field of number of enrollees,” sabi ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan.

Sinabi pa ng opisyal na posible pa ring magkaroon ng mga duplikasyon o pagkakadoble-doble ng mga bilang.

“There are still possible  duplicates; they will be corrected automatically once the beginning of the school year module of the student profile starts on 13 September, and the unique LRN [learner’s reference number] of students will resolve duplicates,” dagdag pa ni Malaluan.

Pormal na binuksan ang unang araw ng pagpapatala nitong Lunes, Agosto 16, at magtatapos ito sa Setyembre 13, ang unang araw ng klase para sa School Year 2021-2022.

Inaasahan naman ng DepEd na tataas pa ang bilang ng mga mag-eenroll ngayong taon dahil marami na sa mga magulang ang nakaaalam na posible pala ang distance learning sa gitna ng kinakaharap na pandemya.

Sa nakalipas na school year, umabot sa mahigit 26 milyon ng mga mag-aaral mula sa Kindergarten hanggang Senior High School, pati na rin sa Alternative Learning System ang nag-enroll.