MULING PAGSUSPINDE SA UPCAT KINUWESTIYON SA SENADO
KINUWESTIYON ni Senador Alan Peter Cayetano ang pagmamatigas ng University of the Philippines na huwag ibalik ang kanilang College Entrance Examination.
Sa organizational meeting ng Senate Committee on Science and Technology, sinabi ni Cayetano na nagtataka siya kung bakit hanggang ngayon ay hindi maibalik ang UPCAT gayong ang ibang unibersidad ay nakagawa na ng sistema para sa entrance examination.
Nangangamba si Cayetano na bunsod ng sistemang ipinatutupad ngayon ng UP ay napapakawalan ang ‘best of the best students’ lalo na ang mga nagmula sa science schools sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Tinukoy ng senador ang Philippine Science High School na noong ipinatutupad ang UPCAT ay kasama sa top 12 schools na mataas ang ranking sa examination na may average passing rate na 97 hanggang 99 percent ng takers.
Subalit nang mawala ang UPCAT, bumaba sa 60.55 percent ang passing rate ng applicants mula sa Pisay.
Nais tanungin ni Cayetano ang UP kung saan napupunta ang pondo nila para sa kanilang entrance examination.
Ipinaalala ng senador na ang kalidad ng edukasyon ay hindi lamang nakadepende sa faculty ng unibersidad kundi maging sa uri ng kanilang mga estudyante.