Nation

MOTHER TONGUE-BASED MULTILINGUAL EDUCATION PINASISILIP KUNG EPEKTIBO

/ 23 January 2021

NAIS ni Senador Sherwin Gatchalian na busisiin ang estado ng mother tongue-based multilingual education sa ilalim ng K to 12 program.

Sa kanyang Senate Resolution 610, sinabi ni Gatchalian na layon ng pagbusisi na matukoy kung epektibo ang paggamit ng mother tongue bilang medium sa pagtuturo mula Kinder hanggang Grade 3.

Ipinatupad ang sistema upang iangat ang kalidad ng pagtuturo at pagkatuto ng mga estudyante.

Sa ilalim ng programa, pinayagang gamiting languages of instructions ang Tagalog, Kapampangan, Pangasinense, Iloko, Bikol, Cebuano, Hiligaynon, Waray, Tausug, Mindanaoan, Maranao, Chabacano, Ybanag, Ivatan, Sambal, Aklanon, Kinaray-an, Yakam at Surigaonon.

“Considering the variety of languages in the country, in addition to hundreds of dialects spoken, schools, parents, and most importantly, the teachers and the pupils themselves are faced with major challenges in the implementation of the program,” pahayag ni Gatchalian sa resolution.

Ilan sa mga tinukoy na problema ay ang kawalan ng textbooks na nakasulat sa mother tongue  language kaya nahihirapan din ang mga estudyante sa translation; kawalan ng vocabulary o limitadong mga salita na maaaring gamitin sa pagtuturo; at kawalan ng teacher-training.

Sa inisyal na pag-aaral, lumitaw na ang programa ay nakapokus lamang sa isang lenggwahe na gagamitin bilang mother tongue.

Dahil dito, iginiit ni Gatchalian ang pangangailangan ng komprehensibong pag-aaral sa implementasyon ng programa at solusyunan ang mga problema sa pagpapatupad nito.