MONTHLY RANDOM DRUG TEST SA PNPA – PNP CHIEF
NAIS ni Philippine National Police Chief, Gen. Debold Sinas na dalasan ang random drug test sa mga kadete, guro at kawani ng PNP Academy sa Camp Castaneda, Silang, Cavite.
Ayon sa heneral, ito ay upang matiyak na malinis mula sa ilegal na droga ang mga mag-aaral at mga tauhan ng akademya.
Paliwanag ni Sinas, kapag regular ang random drug test, hindi sasagi sa isipan ng mga kadete at mga tauhan na tumikim ng droga dahil alam na nila ang kahihinatnan at masasayang lamang ang kanilang pagod para maging “Iskolar Para sa Bayan.”
Ang PNPA ay itinuturing na state university na dating pinatatakbo ng Philippine Public Safety College subalit noong 2019 ay nailipat sa PNP ang administrative control nito.
Hindi madaling makapasok sa PNPA dahil may hinihinging antas ng grado at pisikal na katangian at sakaling makapasa sa screening, ang pamahalaan na ang tutustos sa pagpapaaral sa mga kuwalipikadong estudyante na tatawaging plebo kapag nakapasa.
Ang pagnanais ni Sinas na magsagawa ng monthly ramdom test ay makaraang magpositibo sa droga ang isang plebo kamakailan, gayundin ang isang contractual employee ng akademya na susi naman para matukoy kung sino ang kanilang supplier, na isa rin umanong job order employee.
Tiwala si Sinas na sa random drug test ay mahuhuli ang mga gumagamit ng droga at mapatalsik agad sa institusyon.