MONITORING SA PRIVATE SCHOOLS PINAHIHIGPITAN SA DEPED
NANAWAGAN si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa Department of Education na higpitan ang monitoring sa mga pribadong paaralan sa gitna ng pinaiiral na bagong sistema sa pag-aaral dahil sa Covid19 pandemic.
Ito ay kasunod ng special report ng The POST hinggil sa patuloy na pagtanggap ng enrollees ng ilang pribadong paaralan kahit halos patapos na ang Academic Year 2020-2021.
Sa ulat ng The POST, walang ipinatupad na deadline sa enrollment ang ilang pribadong paaralan dahil ‘flexible learning’ naman ang isinusulong.
Sa eksklusibo namang panayam ng The POST, aminado si Castro na nakalulungkot ang ganitong impormasyon dahil naisasakripisyo ang kalidad ng pagtuturo at ang kaalamang makukuha ng estudyanteng ‘late enrollee’ ay magiging limitado.
Iginiit pa ni Castro na sa bandang huli, ang mga estudyante ang magsasakripisyo at tiyak na magkakaroon din ito ng negatibong epekto sa kanila pagdating ng araw.
Idinagdag ng mambabatas na dapat maging alerto at aktibo ang DepEd sa mga ganitong uri ng mapagsamantalang gawain sa panahon pa mismo ng pandemya.
“Nakakalungkot naman ang balitang iyan. Sa gitna ng pandemya, nagsasamantala ang ilan,” ayon pa kay Castro.
“Dito dapat pahigpitin ng DepEd ang pag-monitor sa mga private school. May effect ito sa ability or capability ng mga bata later on. Dapat papanagutin ang mapatutunayag nandaraya,” dagdag ng kongresista.