Nation

MODULAR LEARNING NG DEPED 60% LANG ANG TAGUMPAY – SENADOR

/ 17 March 2021

KUNG si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture chairman Sherwin Gatchalian ang tatanungin, nasa 60 percent lamang ang tagumpay ng ipinatutupad na Distance Modular Learning.

“Actually, kung ako ang tatanungin ninyo, my assessment on the success nitong distance learning through the self-learning module, masasabi kong 60 percent successful, hindi 100 percent. Hindi rin naman bagsak,” pahayag ni Gatchalian.

Ipinaliwanag ng senador na sa sitwasyon ng bansa bunsod ng Covid19, ang self-learning modules ang pinakamainam na paraan upang matuloy ang pag-aaral ng mga estudyante subalit hindi naman lahat ng bata ay kayang turuan ng kanilang mga magulang.

“Dahil hindi lahat ng bata ay may access sa internet, hindi lahat ng bata may laptop. Hindi lahat ng bata ay may internet sa bahay, so ang pinakamainam ay ang self-learning module pero malaki rin ang limitasyon nito,” paliwanag ng senador.

“Tama kayo marami akong nakakausap ang sabi nila, ang nanay at tatay ang tumatalino hindi ang bata kaya may limitasyon ‘yan,” diin ni Gatchalian.

Gayunman, sinabi ng mambabatas na sa kanyang paniniwala ay hindi dapat pangmahabang panahon ang paggamit ng module.

“At ang aking pananaw po diyan talagang hindi maaaring mahabang panahon ginagamit ang module. Talagang shotgun lang iyan, three months, mahaba na siguro ang mga six months pero hindi puwedeng sobrang haba dahil hindi nga siya nakadisenyo para diyan,” sabi ni Gatchalian.

“Kaya paulit-ulit nating itinutulak ang face-to-face sa mga zero Covid dahil nakita ko po ang limitasyon ng self-learning modules,” dagdag pa ng senador.