Nation

MISTING VS DENGUE SA 103 ISKUL SA MAYNILA IPINAG-UTOS

/ 21 August 2024

UPANG mapigilan ang paglobo ng kaso ng dengue, ipinag-utos ni Manila Mayor Honey Lacuna ang misting sa 103 public elementary at high schools sa lungsod

Ang misting ay may koordinasyon sa Manila Health Department (MHD) na magsasagawa ng pag-iikot sa mga paaralan matapos ang oras ng klase sa loob ng isang buwan.

Kaugnay nito ay muling inulit ni Lacuna ang kanyang naunang panawagan sa pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran at may apela rin siya sa barangay authorities na tumulong sa city government sa pagpapakalat ng impormasyon sa dengue at kung paano ito iiwasan.

“Ang dengue ay sakit na maaaring iwasan. Dala ito ng lamok pero naiiwasan kung pananatilihing malinis ang paligid.. Huwag mag-iwan ng imbak na tubig, linisin ang mga kanal dahil diyan namumugad ang mga lamok na may dalang dengue,” pagbibigay-diin ng alkalde.

Nabatid kay Lacuna na ang misting at spraying activities para labanan ang dengue ay gagawin sa lahat ng public schools sa lungsod mula August 19 hanggang September 20, 2024.

Ayon sa ulat, ang bilang ng suspected, probable at confirmed dengue cases sa lungsod mula July 21 hanggang August 9, 2024 ay umabot na sa 131.

Hinikayat din ni Lacuna ang mga kabataan na mag-download ng game app na ‘Kapitan Ligtas’ upang malaman ang tungkol sa dengue habang nag-i-enjoy ng game.