Nation

MILYON-MILYONG ESTUDYANTE AT GURO PINABAYAAN NG GOBYERNO — ACT

/ 29 August 2020

RAMDAM umano ng grupo ng mga guro ang pagpapabaya ng pamahalaan sa kanila at sa mahigit 28 milyong mag-aaral sa bansa.

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers, ang pagbasura ng Department of Budget and Management sa kahilingang P65 billion supplemental budget ng  Department of Education para sa kanilang learning continuity plan ay patunay ng pag-abandona sa 28 million learners, milyong guro at staff sa gitna ng nararanasang epekto ng pandemya.

Sinabi ni ACT Secretary General Raymond Basilio na sa aksiyon ng DBM, ang mga mag-aaral at guro ang nagsasakripisyo lalo’t matagal nang naantala ang development ng kanilang kaalaman dahil sa mahigit limang buwang kuwarantina.

“The youth’s right to education had been infringed for far too long, this continued neglect of education is in itself a crime, not just against the millions forming the sector, but against the nation as a whole,”ayon kay Basillo.

Magugunitang inanunsiyo ng DepEd na ang kanilang kahilingan sa Kongreso na karagdagang P65 billion budget ay hindi inaprubahan ng DBM.

Inamin ni Finance Undersecretary Anne Sevilla sa DepEd na ang nasabing halaga ay ‘conservative’ amount para punan ang P27 billion na kailangan sa pagbili ng laptops sa lahat ng public school teachers at sa pagpapatatag ng minimum health standards sa basic education schools and offices

Ang tanging inaasahang pondo ng DepEd ngayong fiscal year ay nasa P4 billion lamang na nakapaloob sa Bayanihan 2.

Samantala, buhay pa rin ang pag-asa ni Education Secretary Leonor Briones na mapapasama ang P65 billion na kailangan nila sa President-approved 2021 National Expenditure Program na inihahanda ng DBM.