MILYON-MILYONG ‘DI NAKAPAG-ENROL IPASOK SA ALS PROGRAM — LAWMAKER
TIWALA si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian na solusyon sa naputol na pag-aaral ng apat na milyong estudyanteng hindi nakapag-enrol ngayong Academic Year 2020-2021 ang Alternative Learning System Act.
“’Yung solusyon ho diyan naisabatas na ho ‘yung Alternative Learning System Act ‘yung batas na magpapatibay po ng Alternative Learning System at ito po ay isang mekanismo para makabalik at mabigyan ho natin ng kaalaman ‘yung nag-drop out na mga bata,” pahayag ni Gatchalian.
Sa gitna naman ng hirap sa kasalukuyang sistema ng pag-aaral, nanawagan si Gatchalian sa mga magulang at lokal na pamahalaan na huwag hayaang mag-drop out ang mga mag-aaral.
“Pero ang aking panawagan ‘wag natin payagang mag-drop out, nananawagan po ako sa ating mga lokal na pamahalaan, sa ating mga magulang na kahit na hirap ho ang distance learning at hirap gamitin ang self-learning modules ipagpatuloy natin ‘yung pag-aaral,” dagdag ng senador.
“Dahil nakakatakot po itong pagtigil ng pag-aaral baka hindi na ho bumalik at baka tuluyang makalimutan ‘yung mga pinag-aaralan nila noong nakaraan,” diin pa ng mambabatas.
Ipinaliwanag ng senador na maraming mga dahilan sa pagtigil sa pag-aaral ng mga estudyante, kabilang na ang matinding takot sa virus, pagkawala ng trabaho ng mga magulang at kakulangan sa pinansiyal.
“So iba’t ibang dahilan po pero ang pinakamalungkot po mayroon tayong apat na milyon na hindi na nag-enroll noong 2020-2021 school year.”