Nation

MILITANTENG GRUPO, MGA MAGULANG NAGHARAP SA LABAS NG SENADO

/ 24 November 2020

NAGPANG-ABOT sa harapan ng Senate compound ang grupo ng mga militante at mga magulang ng mga estudyanteng hinihinalang na-recruit para maging miyembro ng New People’s Army habang nagpapatuloy ang pagdinig ng Senado sa isyu ng red-tagging.

Bitbit ng League of Parents of the Philippines at Liga Independencia Pilipinas ang larawan ng ilang mga estudyanteng patuloy na nawawala at hinihinalang nahikayat na sumama sa kilusan.

Sa kabilang bahagi naman, may bitbit ding placards na nagsasaad ng ‘no to red-tagging’, ‘LPP, tuta ng mga militar’, at ‘Defend Human Rights’ ang mga milintanteng grupo, kabilang ang Kabataan Partylist Group na sumabay sa kilos-protesta.

Hindi pinalagpas ni Ginang Relissa Lucena, magulang ng isa sa mga estudyante ng Far Eastern University na na-recruit umano ng ANAKBAYAN, ang pagkakataon na makompronta ang mga militante.

“Sinungaling kami, nagre-red tag kami? Kung puwede ko lang kayong murahin mula ulo hanggang paa ginawa ko na dahil ang kakapal talaga ng mga mukha n’yo!” diin ni Ginang Lucena.

“Ilang ulit na kaming andito, ilang ulit na kaming umiiyak, hindi n’yo kami naririnig ngayon, lalaban na lang po kami. Tutal wala naman kayong tainga para pakinggan ang hinaing ng bawat magulang,” dagdag pa ng ginang.

“Kung ayaw n’yo kaming pakinggan sa maayos na paraan, lalaban na lamang po kami nang harapan dahil buhay ng mga anak namin ang inyong inilalagay sa kapahamakan habang ang mga anak ng lider n’yo ang sarap ng buhay,” dagdag pa niya.

Iginiit pa ng ginang na habang sila ay nagpapakahirap sa paggapang ng pag-aaral ng kanilang mga anak, sinisira naman ito ng mga aktibista.