MGA TITSER PWEDENG RUMESBAK SA MALISYOSONG ‘CHILD ABUSE’ COMPLAINT
ISINUSULONG ni Senadora Grace Poe ang panukala na magbibigay proteksiyon sa mga public school teacher at personnel laban sa umano’y mga malisyosong akusasyon ng child abuse.
Sa Senate Bill 1189, iginiit din ng senadora ang pagbibigay ng suporta sa mga guro sa kanilang pagdidisiplina sa mga estudyante.
Sa ilalim ng panukala, ang anumang pagdisiplina ng isang guro o school staff alinsunod sa disciplinary rules at procedure ng Department of Education ay hindi maituturing na child abuse, cruelty o exploitation sa ilalim ng Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
“Our public schools shoulder the crucial role of providing education to millions of students every year,” pahayag ni Poe.
Binigyang-diin pa ng senadora na ang mga silid-aralan ay lugar para sa pagbuo ng pagkatao ng isang bata kung saan ang mga guro ay hindi lamang nagtuturo ng kaalaman kundi maging ng tamang pag-uugali.
Saklaw ng panukala ang lahat ng public school teaching personnel, kabilang ang mga non-teaching personnel na direktang nakakasalamuha ng mga estudyante.
Nakasaad din sa panukala ang pagbuo ng DepEd ng teacher’s manual na ipatutupad sa lahat ng paaralan.
“Students, parents, teachers, other school personnel, and the community represented by their respective organization, as well as professionals in child behavior and social work, shall each have meaningful involvement in the formulation of the guidelines and the teacher’s manual,” sabi pa ni Poe.
“The manual shall set out, among others, the disciplinary action to be taken against students who are found to have made malicious accusations of child abuse against teachers and school staff,” dagdag pa niya.
Kasama sa manual ang rules and regulations ng paaralan na dapat ipatupad ng mga guro; epektibong aksyon kabilang ang komunikasyon sa mga magulang, counseling, reprimand, at detention; malinaw na paglalarawan ng disciplinary procedure at malinaw na pagtatalaga ng mga awtoridad na magiimbestiga.
Nakasaad din sa panukala na mandato ng DepEd na bigyang proteksiyon ang mga guro at school personnel kasama na ang legal assistance at representation sa mga kasong kahaharapin dahil sa pagdisiplina sa mga estudyante.