MGA TITSER PUMALAG SA F2F CLASSES
“SOBRANG mapanganib ang face-to-face classes kahit sa mga lugar na mababa o kahit pa walang kaso ng COVID-19,” mariing pahayag ng grupong Teachers’ Dignity Coalition.
Ayon kay Benjo Basas, national chairperson ng nasabing grupo, “hindi pa rin nakatitiyak na hindi maghawaan ang mga mag-aaral at guro sa mga nasabing lugar kung sakaling ang ilan sa kanila ay nagpositibo sa coronavirus infection.”
“Nakita na natin ito sa mga nakaraang polisiya na kung biglang magluluwag ay mae-expose sa pagkalat ng virus ang mga mamamayan ‘gaya ng naging resulta ng tinawag na hatid-probinsiya program,” pahayag ni Basas.
Ayon pa sa lider ng TDC, isa lang umano itong patunay na hanggang ngayon ay hindi pa lubos na nakalatag ang plano sa pasukan para sa 2020-2021 bagamat malapit na ang takda nitong pagbubukas na sinasabing sa darating na Agosto 24 nitong kasalukuyang taon.
Ayon pa sa grupo, higit na kailangan umanong tutukan ng DepEd at ng pamahalaan kung paano gagawing maayos ang mga pamamaraan para sa distance learning modality ‘gaya ng online, radio/TV broadcast o maging ang modular approach.
“Lahat ng mga ito ay hindi pa rin handa hanggang sa kasalukuyan samantala isang buwan na lang at magbubukas na ang klase,” ang sabi ni Basas.
“Sana naman bago ang mga pinal na pagpapasya hinggil sa class opening ay maikonsidera muna ang kahandaan ng sistema at ang kaligtasan ng mga bata, guro at lahat ng mga mamamayan,” dagdag pa nya.
Ibinigay ni Pangulong Duterte ang kanyang suporta sa sinasabing ‘limited face-to-face learning’ matapos ang pag-uulat ni DepEd Sec. Leonor Briones hinggil sa maaaring pagsasagawa nito sa low risk areas, bunsod ng mga panukala mula sa ilang LGUs, mambabatas, private at international schools.
Inirerekomenda ang pagsisimula ng ‘limited face-to-face learning’ sa third quarter ng school year o sa Enero 2021 sa mga piling paaralan lamang.
Binigyang diin ni Sec. Briones na mahigpit na lilimitahan ang implementasyon nito at dadaan sa masusing inspeksyon ng DepEd, DOH, IATF, at LGU bago payagang magkaroon ng face-to-face classes sa paaralan.
Magsasagawa rin muna ng pilot testing at joint inspection bago ang anumang pagpapatupad ng face-to-face classes sa susunod na taon.
Ilan pa sa mga tinitingnang feature ng ‘limited face-to-face learning’ ay ang pagsagawa lang nito nang isa o hanggang dalawang araw na pasok sa loob ng isang linggo at ang paglilimita sa mga pinakamahahalagang lesson lamang at maging ang mga mag-aaral na papasok ay limitado rin sa labing-lima hanggang dalawampu.