MGA PROGRAMA VS YOUTH SUICIDE ISINUSULONG
ITINUTULAK ni Paranaque City Rep. Joy Myra Tambunting ang panukala para sa pagbalangkas ng mga programa upang maiwasan ang youth suicide.
Sa kanyang House BIll 9138 o ang proposed Youth Suicide Prevention Act of 2021, sinabi ni Tambunting na batay sa tala ng World Health Organization, nasa 800,000 katao ang namamatay dahil sa suicide kada taon.
“Suicide is also reported as the third leading cause in 15-19 year-olds,” pahayag ni Tambunting.
Batay sa 2015 Global school-based survey ng WHO sa 8,761 estudyante mula Grade 7 hanggang 9 o mga edad 13 hanggang 17, 11.6 percent ang nagkokonsidera sa pagpapakamatay habang 16.8 percent ang sumubok nang mag-suicide.
“The increasing incidence of suicide among the Filipino youth remains to be a concern. As such, it is incumbent upon the State to look after the overall well-being of its citizens and introduce measures towards suicide prevention,” pagbibigay-diin ni Tambunting sa kanyang explanatory note.
Batay sa panukala, babalangkas ng kurso hinggil sa Life Planning na isasama sa elementary at secondary curriculum.
Magsasagawa rin ng nationwide education suicide awareness campaign upang matulungan ang mga kabataan, mga magulang, guro, school personnel at ang publiko na matukoy ang mga warning signal ng suicide at paano rumesponde rito.
Nakapaloob din sa panukala ang pag-eempleyo ng isang psychologist sa bawat paaralan.