MGA PROGRAMA NG DEPED PARA SA DEKALIDAD NA EDUKASYON PINABUBUSISI
NAIS ni Senador Sonny Angara na busisiin ng kaukulang komite sa Senadoa ang mga programa, proyekto at polisiya ng Department of Education para sa pagsusulong ng dekalidad na edukasyon.
Ayon kay Angara, inihain niya ang Senate Resolution 590 para pag-aralan ang mga polisiyang dapat baguhin kasunod ng hindi kaaya-ayang resulta ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics.
Target ng mga reporma na malunasan ang mga gap sa basic education system.
Ipinaalala ni Angara na sa ilalim ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law, binigyang-diin ang commitment ng estado para sa functional basic education sa bansa upang makabuo ng mga productive at responsible Filipino citizen.
Sinabi ni Angara na sa kabila ng mga reporma sa basic education upang iangat ang functional literacy rate, marami pa ring Filipino learners ang mababa ang score sa National Achievement Test, gayundin sa mga pasusuri ng international organizations.
“The Department of Education launched the Sulong EduKalidad which sought to strengthen education reforms through the review and update of the K-12 curriculum, improvement of learning environment, upskilling and reskilling of teachers, and, engagement of stakeholders for support and collaboration,” pahayag ni Angara sa resolution.
Tinukoy pa ng senador ang report ng UNICEF noong December 2019 na bagama’t 90 porsiyento ng primary school age children sa Southeast Asia ang nag-aaral, isa sa tatlo o 70 million ang bigong makamit ang minimum proficiency sa Reading at Mathematics.
“If ranked according to the percentage performing at the Sustainable Development Goal indicator by country, the Philipppines is the second-worst performer with 10 percent, following Lao People’s Democratic Republic with only 2 percent,” diin pa ni Angara.
Binigyang-diin din ng senador ang mga rekomendasyon sa pag-aaral na kinabibilangan ng pagbibigay prayoridad sa early learning, pagtiyak sa on-time enrollment sa lahat ng estudyante at pagpapatupad ng progressive learning standards sa basic education curriculum.