Nation

MGA PROBLEMA SA BLENDED LEARNING TINUTUGUNAN NA —DEPED

/ 22 May 2021

TINIYAK ng Department of Education na tinutugunan nila ang mga problemang kinakaharap ng mga estudyante at guro sa ipinatutupad na blended learning dahil sa Covid19 pandemic.

Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, inamin ni Education Undersecretary Diosdado San Antonio na may mga pagsubok pa ring kinakaharap ang ahensiya sa paglalatag ng kanilang plano para sa School Year 2021-2022.

Ayon kay San Antonio, ilan sa major challenges sa mga estudyante ay ang iba’t ibang learning resources para sa home-based learning at ang mahabang pagtigil ng mga learning task.

Idinagdag pa ng opisyal na patuloy nilang minomonitor ang lawak ng epekto sa pagkatuto ng mga estudyante sa home-based learning.

Ipinaliwanag ni San Antonio na bilang tugon sa mga kinakaharap nilang problema, nagpapatupad ang DepEd ng iba’t ibang hakbangin.

Kabilang na rito ang academic ease, psychosocial support at capacity-building para sa mga guro at mga magulang; at paggamit ng iba’t ibang paraan sa learning delivery.

Samantala, kinumpirma ni DepEd Director Roger Masapol na umabot na sa 26.7 milyon ang enrollees sa lahat ng level kasama na ang Alternative Learning System.

Muli namang tiniyak ni DepEd Undersecretary Antonio Umali na mananatiling nasa kamay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-apruba sa pagsasagawa ng face-to-face classes.