MGA PROBLEMA, REKLAMO INAASAHAN SA PAGBUKAS NG KLASE — LAWMAKER
INAASAHAN ni Senadora Nancy Binay na makararanas ng problema at manganganay ang marami sa mga guro, magulang at estudyante sa pagsisimula ng distance learning sa Lunes, October 5, sa gitna ng Covid19 pandemic.
“Ang tingin ko nga baka 1st quarter o 1st semester puro birthpains pa iyan sa blended learning,” pahayag ni Binay.
Sinabi ni Binay na kahit matindi ang naging paghahanda ng Department of Education para sa pagbubukas ng klase, tiyak na marami pa irng problema at reklamong maririnig sa paggulong ng bagong sistema ng edukasyon.
“Kapag kinonsider mo, napakahirap ng sitwasyon ng DepEd, i think they prepare best, best effort kumbaga ang ginawa nila pero kung handa na mahirap sabihin,” diin pa ng senadora.
Aminado si Binay na sadyang mahirap at challenging sa mga magulang ang sitwasyon sa ngayon hindi lamang sa mga problema sa koneksiyon sa internet at gadgets kung hindi sa mismong oras na ibibigay sa pag-alalay sa mga anak na estudyante.
Aminado rin ang senadora na isa sa maisasakripisyo sa kasalukuyang sitwasyon ang kalidad ng edukasyon na ibibigay sa mga estudyante.
“Ako sa tingin ko isa na iyan (kalidad ng edukasyon) sa magiging casualty ng virus and it’s not just dito sa Filipinas, global ang problema ngayon kung paano ang edukasyon ng kabataan ngayon sa pandemic. Sana kung mag-suffer man ang quality ay hindi naman ganun ka-grabe at madali naman mahabol ng DepEd,” giit pa ni Binay.
Samantala, pabor ang senadora sa panukala na payagan na ang limitadong face-to/face classes sa mga lugar na mababa ang kaso ng Covid19.