MGA PRIBADONG PAARALAN HINDI NA KAYANG MAGBABA PA NG TUITION — COCOPEA
HINDI na kayang babaan pa ng mga pribadong paaralan ang kanilang tuition dahil kailangan din nila ng pondo para sa operational costs at pagmamantine ng kanilang mga gusali.
Ito ang binigyang-diin ng Coordinating Council of Private Educational Associations kasabay ng paglilinaw na bumaba na ng mula 20 hanggang 30 porsiyento ang tuition ng mga pribadong paaralan.
Ayon kay COCOPEA Managing Director Joseph Noel Estrada, hindi na kayang babaan pa ang tuition at ibang fees dahil kailangan din nilang i- maintain ang kanilang pasilidad kahit walang face-to-face classes.
Sinabi niya na bumaba ng 60 porsiyento ang bilang ng mga enrollee kaya kaunti rin lang ang pumasok na pondo sa mga paaralan na gagamitin para sa maintenance costs at pambayad sa mga kawani.
Mahigit 300 pribadong eskuwelahan ang nagsuspinde ng kanilang operasyon dahil sa baba ng bilang ng mga enrollee.
Ayon pa kay Estrada, kailangang pasanin ng mga estudyante ang tambak na gawain sa online learning.
“Kailangan talaga nating dumaan dito kahit mahirap kasi eventually para rin ito sa ikabubuti ng mga bata,” dagdag pa niya.