MGA PANGAKO NG K TO 12 DAPAT TIYAKING MATUTUPAD — SENADOR
DAPAT bumalangkas ng mga hakbangin ang gobyerno upang matupad na ang mga ipinangako ng K to 12 education system.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Juan Edgardo Angara kasabay ng kanyang panawagan na pag-aralang mabuti ang K to 12 system na may isang dekada nang ipinatutupad.
Tinukoy ni Angara ang pangako ng K to 12 na maaaring mabigyan ng trabaho ang mga estudyanteng napagtapos dito.
Aminado ang senador na hindi ito nangyayari dahil maraming kompanya ang hindi tumatanggap ng empleyado kung hindi graduate ng kolehiyo.
Idinagdag ni Angara na hindi rin natupad ang pangakong pagkakalooban ng certification ang mga nagtapos sa ilalim ng technical-vocational course gayundin ang pagpapaikli sa panahon ng pag-aaral sa kolehiyo bukod pa sa kakulangan ng suporta sa sports at arts.
Iginiit ni Angara na dapat mag-usap-usap ang mga opisyal ng pamahalaan kaugnay sa K to 12 program upang magkaroon ng iisang pokus para maresolba ang nabanggit na mga problema.
Nangako naman ang senador, bilang miyembro ng 2nd Congressional Education Commission o EDCOM II na isusulong ang masusing pagrerebisa sa K to 12 system upang matiyak na aakma ito sa pangangailangan ng kasalukuyang panahon.