MGA PAARALAN TIYAKING TYPHOON-RESILIENT — SENADOR
PINATITIYAK ni Senador Win Gatchalian sa Department of Education at Department of Public Works and Highways na kayag tumindig o lumaban sa mga malalakas na bagyo ang mga gusali ng bawat paaralan.
Binigyang-diin ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, na mahalagang maging ‘typhoon-resistant’ ang mga gusali ng bawat paaralan para sa pagpapanatili ng kaligtasan dahil kadalasan itong nagsisilbing evacuation center.
Ito ay kahit hindi naman itinayo ang mga paaralan para maging evacuation center sa panahon ng kalamidad.
Muling iginiit ni Gatchalian na panahon nang ipasa ang kanyang Senate Bill 747 na naglalayong magtayo ng permanenteng evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.
Layon din ng panukala na magpatayo ng mga dagdag na pasilidad sa mga paaralan.
Batay rin sa panukala, dapat ang mga gagawing evacuation center ay kayang labanan ang hanging may bilis na 320 kilometers per hour o lindol na hindi bababa sa 7.2 magnitude.
Dapat ding sumusunod ang mga bagong pasilidad na ito sa National Building Code of the Philippines.
“Sa ating pagkukumpuni o pagpapatayo ng mga bagong gusali sa mga paaralan, kailangang siguruhin nating ang disenyo ng mga ito ay kayang makaiwas sa pinsalang maaaring idulot ng mga kalamidad,” pahayag ni Gatchalian.
“Ang pagkakaroon ng matitibay na mga paaralan ay mahalaga hindi lamang para sa agarang pagpapatuloy ng edukasyon. Dahil ang mga paaralan natin ay madalas nagsisilbi ring mga evacuation center, kailangang siguruhin natin ang kaligtasan ng mga ito sakaling sumilong dito ang mga residente sa tuwing may kalamidad,” dagdag ng senador.
Iniulat na karaniwang dahilan ng pagkasira ng mga paaralan sa tuwing may bagyo ay ang substandard construction.
May mga pangamba rin na gumuho ang kisame ng mga gusaling ipinatayo noong March 2014 hanggang 2019 dahil wala sa standard ang pagtatayo.
Para naman kay Gatchalian, isa sa mga solusyon ang paglalagay ng roof decks na kongkreto imbes na palaging pinapalitan ang mga nasisirang bubong sa tuwing may bagyo.
Base sa Education Cluster Report noong Nobyembre 15, nasa 1,190 mag-aaral sa halos 69 dibisyon ang apektado ng bagyong Ulysses habang 1,739 mag-aaral sa 36 na dibisyon ang naapektuhan ng bagyong Rolly.
Inihayag din ng DepEd na P8.9 bilyon ang kailangan upang muling maipatayo ang nasirang mga paaralan.