Nation

MGA MAMBABATAS NAALARMA SA PAGLIPAT NG PRIVATE SCHOOL TEACHERS SA PUBLIC SCHOOLS

/ 8 September 2020

AMINADO ang ilang kongresista na nakababahala ang migration o paglipat ng mga private school teacher sa mga pampublikong paaralan.

Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Arts, inihayag ng ilang mambabatas na dahil sa mass resignation, o wala sa timing na paglipat ng mga private educator, apektado ang basic and secondary education program.

Ayon kay Nueva Ecija Rep. Ria Vergara, hindi na balanse ang private at public education dahil na rin sa paglipat ng mga licensed teacher sa public schools bunsod ng mas malaking sahod.

Idinagdag ni Vergara na ilang private schools ang napipilitang magsara dahil sa migration ng teaching personnel.

“In my district, a number of private schools have shut down. I hope we can have another law that would benefit private schools with certain benefits that the government gives public school teachers,” pahayag ni Vergara.

Sinabi naman ni Sorsogon Rep. Evelina Escudero na may mga guro rin na sa kalagitnaan ng school year ay biglang lumilipat sa public schools sa sandaling makuha na ang resulta ng kanilang Licensure Examination for Teachers.

Iginiit naman ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na kailangang magsagawa ng mga pag-aaral at bumalangkas ng mga hakbangin upang matulungan ang private school teachers sa kanilang income at mapigilan ang exodus.

Samantala, aminado si Baguio City Rep. Mark Go na mas maraming benepisyo ang nakukuha ng mga public school teacher at personnel kumpara sa kanilang private counterparts.

“Kaya dapat mas mataas at maganda ang kalidad ng edukasyon sa public schools,” pahayag pa ni Go.

Dahil dito, nagpahayag ng suporta ang mga kongresista sa rekomendasyon ng Coordinating Council of Private Educational Associations na palawigin ang Teachers’ Salary Subsidy at

sakupin na rin ang mga guro sa Senior High School.