Nation

MGA MALI-MALING MODULE KUKUMPISKAHIN NG DEPED

/ 12 November 2020

HINDI  papayagan ng Department of Education ang pamamahagi ng mga modyul sa mga mag-aaral kung hindi ito dumaan sa pagsusuri ng division o regional offices.

Ito ang binigyang-diin ng kagawaran sa harap ng kumakalat na mga self-learning module na lumabag umano sa social content standard sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling perspektibo sa papel ng mga sundalo sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

“Base sa aming pagsisiyasat, ang nasabing modyul ay locally-developed at hindi dumaan sa pagsusuri ng DepEd Cordillera Administrative Region,” sabi ng DepEd sa isang opisyal na pahayag.

Sinabi ng kagawaran na kanilang kukumpiskahin ang mga mali-maling self-learning module.

“Sa ngayon, hiniling namin ang agarang pagkumpiska sa nasabing modyul,” sabi ng DepEd.

“Ipagpapatuloy ng kagawaran ang imbestigasyon ukol dito at magsasagawa ng legal na hakbang, at magbibigay ng karampatang aksiyon sa naghanda at nagpamahagi ng nasabing mga modyul, ito rin ay upang masiguro na ang mga learning material ng mga paaralan ay naghahatid ng dekalidad na edukasyon at para na rin sa kapakanan ng mga batang Filipino,” dagdag pa ng DepEd.