Nation

MGA MAGULANG MAY AGAM-AGAM PA RIN SA PAGBUBUKAS NG KLASE — DEPED

/ 13 September 2020

ISANG hamon para sa Department of Education ang patuloy na agam-agam ng mga magulang hinggil sa pagsisimula ng klase.

Ayon kay DepEd Undersecretary Jesus Mateo, hanggang ngayon ay marami pa ring magulang ang may pagdududa sa distance learning.

“Well, ang isang hamon natin ay ‘yung ibang magulang mayroon pa ring agam-agam sa pagbubukas ng ating paaralan,” pahayag niya.

Nakiusap si Mateo sa mga magulang na kung maaari ay pag-isipang mabuti ang kanilang magiging desisyon kung ipagpapatuloy nila ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

“Nananawagan tayo doon sa mga magulang, doon sa kanilang mga guardian, caregiver na kung puwede po pag-isipan nila kung itutuloy pa ang pag-aaral ng kanilang mga anak o hindi kasi in a year ng no classes or schooling, mahihirapan po ang mga bata,” dagdag niya.

Samantala, nadagdagan pa ang bilang ng mga pribadong paaralan na tumigil ang operasyon para sa school year 2020-2021.

Sa datos ng DepEd, umabot na sa 846 ang pribadong eskwelahan na nagsara o nagsuspinde ng kanilang operasyon.