Nation

MGA MAGSASALITA SA 170+ TALAYTAYAN CONFERENCE NAGPATIKIM NG DISKUSYON

/ 16 February 2021

NAGBAHAGI ng paunang kaalaman ang ilang magsasalita sa  28-araw na tuluyang kumperensiya ng 170+ Talaytayan MLE sa isang online forum na ginanap sa Facebook page ng The Philippine Online Student Tambayan noong Lunes.

Ilan sa mga dumalo ay sina Dr. Ricardo Nolasco, Tony Igcalinos, Pauline Mangulabnan at Victor Dennis Nierva kung saan kanilang sinagot ang ilang katanungan ng mga reporter mula sa The POST tungkol sa wika at edukasyon at ilang mga detalye hinggil sa gaganaping festival kung saan tampok ang mga pananaliksik mula sa mga paham sa wika at lingguwistika sa loob at labas ng Filipinas.

Nilinaw nila na kailangang magkaroon ng reporma sa paraan ng pagtuturo sa Filipinas kung saan dapat ay mas maging inklusibo ang mga paksa habang mas pinalalawig ang paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo.

Binigyang-diin ni Nolasco na dapat ay hindi na napag-uusapan ang isyu ng pagkadalubhasa sa bokabularyo dahil mas marapat na unawain  ang ugat nito sa isang pangsistematikong kalagayan.

Sinabi rin niya na kailangang magtulong-tulong ang lipunan upang mapausbong ang mga wika dahil aabutin ito ng  matagal na panahon.

Binanggit din ni Nolasco na dapat ay maproteksiyunan ang mga estudyante mula sa mga elemento ng bullying upang maging ligtas na lugar ang mga paaralan sa mga bata.

Ayon naman kay Igcalinos, kailangan nang maiwan sa kamay ng bagong henerasyon ang paggawa ng hakbang upang mapalaganap ang wika kahit hindi pa sila handa.

Inihambing naman ni Mangulabnan ang Filipinas at Japan pagdating sa paraan ng pagtuturo at naghain ng suhesityon na dapat ay mas mabigyang boses ang kaguruan pagdating sa kanilang paraan ng pagtuturo na babagay sa kanila.

Bilang pagtatapos ng programa, inimbitahan ng mga nagsalita ang madla sa gaganaping ‘2021 International Mother Language Conference and Festival’ na may temang  ‘Multilingual Education in the Pandemic and in Transition: Mapping the Course for Language Development and Governance’ mula Pebrero 21 hanggang Marso 20, 2021.