Nation

MGA MAG-AARAL SA PARANAQUE PATULOY NA MAKATATANGGAP NG EDUCATIONAL ASSISTANCE

/ 5 June 2022

MAGPAPATULOY ang buwanang educational assistance sa mga mag-aaral sa Paranaque City.

Ito ang ipinangako ni Paranaque Mayor-elect Eric Olivarez sa mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya sa lungsod sa darating na School Year 2022-23.

Ayon kay Olivarez, ipagpapatuloy niya ang distribusyon ng college education financial assistance, na isang matagumpay na programang ipinatutupad ng kanyang nakatatandang kapatid at bagong halal na 1st District Rep. Edwin Olivarez sa loob ng anim na taon.

“Under my administration, we will continue this program to fully assist all students in Parañaque City,” ani Olivarez na isang propesor ng graduate school education sa De La Salle University sa Manila.

Ang mga estudyanteng nasa elementarya at sekondarya ay pagkakalooban ngayong buwan ng Hunyo ng P500 cash aid na kanilang makukuha sa pamamagitan ng automated teller machines (ATMs) para sa School Year 2022-23.

Kabilang sa ilalim ng special allowance program ang mga estudyante  mula Grade 1 hanggang Grade 6, gayundin ang mga nasa junior hanggang senior high school na nag-aaral sa mga pampublikong eskuwelahan na nasasakupan ng lungsod, pati na rin ang mga kasama sa listahan ng Department of Education.

Sinabi ni Olivarez, na siyang namamahala sa Olivarez College sa Paranaque at Laguna na pag-aari ng kanyang pamilya, na ipagpapatuloy rin ng kanyang administrasyon ang pagtugon sa pangangailangan ng mga estudyante na nag-aaral sa buong lungsod.

Ipinangako rin ni Olivarez na magdadagdag pa rin ang lokal na pamahalaan ng mga college scholar na naka-enrol sa pribado at pampublikong kolehiyo at unibersidad sa loob ng unang tatlong taon ng kanyang pagseserbisyo publiko bilang alkalde ng lungsod.