Nation

MGA MAG-AARAL HINIHIKAYAT NA GAMITIN ANG PHL CHED CONNECT

/ 16 November 2020

ISA sa mga programang agarang pinondohan at ipinatupad ng Commission on Higher Education ngayong panahon ng pandemya ang PHL CHED Connect – isang 24/7 online platform para sa mga estudyanteng naghahanap ng mga pananaliksik, artikulo, at sangguniang pampagkatuto tungkol sa iba’t ibang larang-akademiko sa bansa.

Ipinaliwanag ni CHED Region IX OIC-Chief Education Program Specialist Dr. Jacinta Tan na napakalaking tulong ng PHL CHED Connect para sa mga mag-aaral at guro kung kaya hinihikayat niya ang lahat na bisitahin ito’t gamitin sa tuwina.

Inipon ng PHL CHED Connect ang samu’t saring higher education course materials na gaya ng mga dyornal, pananaliksik, pelikula, maiikling audio at bidyo, at iba pang digital assets na mainam mailangkap sa pagtuturo at pag-aaral habang ipinagbabawal pa rin ang pagpunta sa mga aklatan at ang face-to-face classes dulot ng Covid19 pandemic.

Sa ngayon ay mayroon na itong 1,400 na nilalaman kung saan 1,533 ang PDF articles, 353 videos, at 18 na samu’t saring kontribusyon ng mga higher education institution sa Filipinas.

Hunyo pa lamang ay nakipagkasundo na ang CHED sa Globe Telecom, Inc. para gawing libre ang akses sa batayang webpage ng PHL CHED Connect.

Ayon kay Tan, malapit na ring magsimula ang SMART campus area network – isang digital network na magpapalawig pa ng akses sa mga dihital na materyales sa lahat ng kampus sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Patuloy pa itong pinalalakas ng CHED hanggang sa kasalukuyan sapagkat batid ng ahensiya na malaking bahagi ng kolehiyo ang pananaliksik. Ngayong imposible ang pananatili sa mga aklatan, PHL CHED Connect ang nangungunang platform panulong sa mga mag-aaral at iskolar ng bayan.