Nation

MGA MAG-AARAL BALIK-ESKUWELA NA NGAYONG ARAW

/ 4 January 2021

MAGBABALIK-ESKUWELA na ang mga mag-aaral ngayong Lunes, Enero 4, matapos ang dalawang linggong Christmas break.

Ayon sa Order No. 3, s.2020, School Year 2020-2021 Calendar ng Department of Education, lahat ng mga mag-aaral sa basic education ay balik-eskuwela simula Enero 4.

Para naman masigurong ligtas ang mga bata’t guro ay minabuti ng kagawarang ipagpatuloy ang distance learning, modular, at online class delivery mode. Kaalinsabay nito ang  pagkansela sa pilot implementation ng face-to-face classes ngayong buwan.

Ang academic calendar ay inaasahang magtatapos sa Abril 30. Kung magbabago ito ay hindi pa rin tiyak hanggang sa kasalukuyan.

Gaya ng sa mga pampublikong paaralan ay magbabalik-eskuwela na rin ang mga pamantasang gaya ng University of the East, Trinity University of Asia, Philippine Christian University, at Polytechnic University of the Philippines.

Samantala, sa susunod na mga linggo pa ang pasukan sa University of Santo Tomas, Far Eastern University, Kalayaan College, at Adamson University.

Marso 1 naman ang simula ng ikalawang semestre sa Sistemang Unibersidad ng Pilipinas.

Lahat ng mga pamantasan ay pinagbabawalan pa ring magsagawa ng face-to-face classes pero ang ilan ay maaari nang mag-aplay sa Commission on Higher Education para magkaroon ng permit na magsagawa ng tradisyonal na klase kung kinakailangan, partikular sa medical courses at internships.