MGA KLASRUM BILANG QUARANTINE FACILITIES INALMAHAN
TINUTULAN ni Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Win Gatchalian ang paggamit sa 17,910 na silid-aralan sa National Capital Region bilang isolation at quarantine facilities.
Sinabi ni Gatchalian na ang paglalagay ng permanenteng evacuation center sa bawat lungsod o munisipalidad ang mas nararapat na hakbang laban sa Covid19 pandemic.
Alinsunod sa Republic Act No. 10821 o ang Children’s Emergency Relief and Protection Act, maaaring gamitin ang mga klasrum bilang evacuation centers kung kinakailangan subalit sa maikling panahon lamang.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na madalas na ginagamit ng mga lokal na pamahalaan ang mga silid-aralan bilang temporary shelter sa panahon ng bawat kalamidad.
Iginiit ng mambabatas na ang paggamit sa mga classroom bilang evacuation isolation facilities ay hindi nakatutulong sa pagtataguyog ng ligtas na paaralan sa ilalim ng new normal.
Babala pa ng senador, magsisilbi ring balakid sa pagbubukas ng klase ang naturang hakbangin at inihalimbawa ang report ng Department of Education na nasa 18,314 estudyante ang hindi agad nakabalik sa pag-aaral matapos ang pagsabog ng Taal Volcano ngayong taon dahil 3,083 classrooms ang ginamit bilang evacuation centers.
Binigyang-diin ng mambabatas na napapanahon na ring ipasa ang Senate Bill 747 o ang proposed Evacuation Center Act na nagmamandato sa pagkakaroon ng permanenteng evacuation sa bawat lungsod at munisipalidad.
Alinsunod sa panukala, ang mga evacuation center ang magsisilbing temporary shelter sa mga taong apektado ng bagyo, pagbaha, storm surges, tagtuyot, sunog at outbreak ng iba’t ibang sakit.
“Dahil madalas nakararanas ang ating bansa ng mga sakuna kung saan kailangan nating ilikas ang mga naapektuhang mamamayan, kailangang pagsikapan din nating magkaroon ng permanenteng evacuation center ang bawat lungsod at munisipalidad sa bansa,” pahayag ni Gatchalian.
“Hindi lamang nito patatatagin ang kakayahan ng ating mga lokal na pamahalaan na rumesponde sa mga sakuna, makatutulong din ito upang maiwasan natin ang paggamit sa mga silid-aralan at masiguro nating mas mabilis makababalik ang ating mga mag-aaral pagkatapos ng isang sakuna,” dagdag pa niya.